Mga tatanggi sa anti-COVID-19 vaccine na nasa priority list, mawawalan ng karapatan sa libreng bakuna – Malakanyang
Hindi sapilitan ang pagpapabakuna laban sa COVID-19.
Ito ang binigyang diin ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque bilang tugon sa mga bumabatikos sa anti-COVID-19 vaccine na bibilhin ng Pilipinas.
Sinabi ni Roque, boluntaryo ang pagpapabakuna sa anti-COVID-19 vaccine na isasagawa ng pamahalaan.
Ayon kay Roque, mawawalan ng karapatan sa libreng bakuna ng gobyerno ang mga nasa priority list ng pamahalaan kapag tumanggi ang mga ito na magpabakuna.
Inihayag ni Roque na masyadong nakakaapekto sa tiwala ng publiko sa anti-COVID-19 vaccine na bibilhin ng pamahalaan ang mga negatibong komento ng mga kalaban ng administrasyon na pinagdududahan ang pagiging epektibo ng bibilhing bakuna lalo na ang gawang China.
Niliwanag ni Roque hindi dapat na pagdudahan ang bisa ng bibilhing anti COVID 19 vaccine dahil hindi papayagan ng mga vaccine expert kasama ang Food and Drug Administration na palusutin ang mahinang klase ng bakuna na gagamitin ng sambayanang Pilipino.
Vic Somintac