Mga tauhan ng Bureau of Immigration COVID-free na
COVID- 19 free na ang mahigit 800 tauhan ng Bureau of Immigration na nakatalaga sa iba’t ibang paliparan sa buong bansa.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, mula noong Pebrero 22 wala na ni isa sa kanilang mga tauhan na nakatalaga sa mga paliparan ang tinamaan ng COVID-19.
Matatandaang noong kasagsagan ng Omicron surge noong Enero, naapektuhan rin ng virus ang mga tauhan ng BI na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport kaya apektado rin ang kanilang manpower.
Ayon sa BI, nakatulong ang mataas na vaccination rate sa kanilang mga tauhan para makamit ang COVID free status.
Sa ngayon, naka full capacity na ang BI sa lahat ng airport sa bansa sa gitna narin ng inaasahang pagdagsa ng International travelers papasok sa Pilipinas.
Tinatatayang umaabot na umano sa 9,000 hanggang 10,000 na pasahero ang dumarating sa mga paliparan sa bansa kada araw.
Madz Moratillo