Mga tauhan ng disaster response, nagbahay-bahay na sa A. Fernando sa Marulas, Valenzuela para sa paglikas
Nagbahay-bahay na sa A. Fernando sa Marulas, Valenzuela ang mga tauhan ng disaster response para himukin ang mga residente na lumikas na.
Bunsod ito ng patuloy na pagtaas ng tubig sa Tullahan River, dahil sa ulang dala ng bagyong Paeng.
Katunayan, may ilan nang residenteng naglilimas na ng tubig sa loob ng kanilang bahay.
Sinabi ng isang residente na si Florencio Nantes, hindi agad makalikas ang kanilang pamilya dahil hirap silang dalhin ang kanilang na-stroke na ina.
Ang iba naman ay ayaw lumikas dahil walang magbabantay sa kanilang mga alagang aso.
Sa ngayon ay mayroon nang 12 pamilya na inilikas sa Valenzuela National High School, kung saan kabilang sa mga unang inilikas ay ang mga senior citizens at may mga anak na sanggol.
Binigyan sila ng tent at family kit na magagamit habang nasa evacuation center.
Ang Valenzuela ay nakararanas ngayon ng malakas na ulan at hangin.
Meanne Corvera