Mga tauhan ng NBI na kakasuhan dahil sa paglabas-masok ng detainees sa detention cell, madaragdagan pa
Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na madadagdagan pa ang mga opisyal at tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na sasampahan ng reklamo kaugnay sa paglabas-masok sa NBI detention ng high-profile detainee na si Jad Dera.
Ayon kay DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, hindi lang ang anim na tauhan ng NBI Security Management Division ang mananagot sa insidente.
Una nang tinanggal sa puwesto ang hepe ng NBI Security Management Division makaraang makalabas ng piitan si Dera kung saan nakuhanan umano ito ng CCTV na kumakain sa isang restaurant sa Makati City na may kasamang babae.
Kumbinsido si Clavano na may iba pang matataas na opisyal na dawit at nakaka-alam ng paglabas sa kulungan ni Dera dahil hindi naman ito mangyayari kung walang basbas ng mga nasa itaas.
Bukod sa reklamong kriminal, sasampahan din aniya ang mga dawit ng mga reklamong sibil at administratibo.
Moira Encina