Mga tauhan ng Philippine Coast Guard na makikilahok sa anumang campaign activities binalaang masuspinde o masisibak sa pwesto
Mahigpit ang bilin ni Philippine Coast Guard OIC Vice Admiral Eduardo Fabricante sa lahat ng kanilang mga tauhan na huwag makisali sa anumang campaign activities lalo at malapit na ang May 9 elections.
Ayon kay Fabricante, lahat ng government employees at uniformed service personnel ay dapat maging neutral sa lahat ng pagkakataon.
Maliban sa kanilang personnels, hindi rin pwedeng magamit sa mga kampanya ng Local o National candidates man ang mga sasakyan at iba pang kagamitan ng PCG.
Ang mapapatunayan aniyang sangkot sa electioneering activities at political campaign ay maaaring masuspinde o matanggal sa serbisyo depende sa bigat ng pagkakasala.
Kaugnay nito, inatasan rin ni Fabricante ang lahat ng kanilang District, Station, at Sub-Station Commanders na asistihan ang Commission on Elections sa lahat ng kanilang election-related activities sa buong bansa.
Maliban sa kanilang mga tauhan at K9 teams para sa security augmentation, handa rin ang PCG na ipagamit ang lahat ng kanilang assets kung kakailanganin ng Comelec o mga LGU para sa logistics.
Madz Moratillo