Mga testigo sa pagpatay sa isang pharma exec, maghahain ng aplikasyon sa Witness Protection Program
Inihahanda na ang aplikasyon para makapasok sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) ang mga testigo sa pagpaslang kay Iraseth Pharma Chief Executive Officer Eduardo Tolosa Jr.
Sinabi ni Atty. Harry Roque, abogado ng pamilya ng biktima, na may limang suspek ang umamin na sila ang sumunog at naglibing sa bangkay ni Tolosa.
Aniya sinimulan na ng kanilang kampo ang pagproseso para maisailalim sa WPP ang mga nasabing suspek at testigo.
Noong Lunes ay pormal nang sinampahan ng PNP Anti-Kidnapping Group ng mga reklamong murder, arson, at kidnapping for ransom ang 11 indibiduwal na idinadawit sa pagkawala ng pharma executive.
Pangunahin sa kinasuhan ang isang Carlo Cadampog na sinasabing casino card dealer.
Ayon kay Roque, si Cadampog ang itinuro ng mga testigo na kasama ni Tolosa noong July 19 na araw na ito ay mawala at nagmamaneho noon sa puting SUV ng biktima.
Si Cadampog din aniya ang idiniin ng mga testigo na nagbayad sa kanila para ilibing at sunugin sa loob ng tatlong araw ang bangkay ng pharma executive.
Kaugnay nito, muling umapela si Roque kay Cadampog na sumuko at magpasailalim sa batas.
Aniya kung wala talagang kasalanan si Cadampog ay magpakita at pasinungalingan nito sa piskalya ang mga alegasyon ng mga testigo.
Moira Encina