Mga tiwaling opisyal ng gobyerno na wala sa sangay ng ehekutibo kasama rin sa mga kakasuhan ng Task Force Against Corruption
Sasampahan din ng Task Force Against Corruption ng reklamong kriminal ang ibang opisyal ng pamahalaan na wala sa sangay ng ehekutibo na mapapatunayang dawit sa katiwalian.
Ito ang niliwanag ni Justice Secretary Menardo Guevarra kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya maaaring imbestigahan ang mga kongresistang sangkot sa kurapsyon dahil ang mga ito ay nasa hiwalay na sangay ng gobyerno.
Ayon kay Guevarra, ang iniimbestigahan ng task force ay ang mga tiwaling gawain o transaksyon kaya kung sinuman ang dawit na opisyal nasa ehekutibo man o wala ay hindi isyu.
Paliwanag pa ng kalihim, walang exempted sa kriminal na imbestigasyon at prosekusyon maliban sa may immunity from suit.
Iba anya ito sa administratibong kaso kaya tama ang presidenteng sa pagsasabing wala siyang kontrol o supervision sa ibang sangay ng pamahalaan kaya hindi niya maaari ang mga itong imbestigahan.
Inihayag din anya ng pangulo sa kanilang pagpupulong noong Lunes na kung may mga kongresistang masasangkot sa mga anomalya ay i-iendorso ito ng DOJ ang reklamong kriminal sa Office of the Ombudsman.
Moira Encina