Mga trial courts sa bansa, makatatanggap ng monthly allowance para sa internet service
May pondo na ang mga first at second-level courts kada buwan para sa internet service na ginagamit sa videoconferencing hearings.
Sa sirkular na inisyu ni Court Administrator Jose Midas Marquez, sinabi na makatatanggap ang lahat ng hukom at clerks of courts ng mga trial courts ng monthly communications allowance na Php 5,000 na hindi na kailangang i-liquidate.
Ang nasabing halaga ay panggugol sa internet service ng mga hukuman na para naman sa pagsasagawa ng virtual hearings at sa pagtanggap at pagpapadala electronically ng mga court documents.
Magsisimula ang nasabing buwanang allowance sa Mayo.
Pinatitiyak ng Korte Suprema sa mga huwes at clerks of courts na ang kukuhanin nilang internet service ay may sapat na bandwith para sa pagdaraos ng videoconferencing hearings.
Moira Encina