Mga trial courts sa bansa, pinagsusumite ng SC ng monthly COVID-19 vaccination report
Simula ngayong Oktubre ay kailangan nang magsumite ang mga first- at second-level courts sa bansa ng monthly COVID-19 Vaccination Monitoring Report.
Sa sirkular na inisyu ni Court Administrator Jose Midas Marquez, sinabi na layon nito na matiyak na mabakunahan laban sa COVID ang lahat ng mga hukom at kawani ng korte sa buong bansa.
Isusumite ito bago o tuwing ika-20 araw ng bawat buwan sa Philippine Judiciary 365 Reports Portal.
Dapat nakasaad sa COVID vaccination monitoring report ang kabuuang bilang ng mga tauhan sa bawat korte o tanggapan kasama ang mga contractual o detailed LGU employees at ang bilang ng mga bakunado at hindi bakunado.
Sa oras na maisumite ng hukuman na ang presiding judge at ang lahat ng court personnel ay fully-vaccinated na laban sa COVID ay hindi na kailangan nitong magsumite pa ng vaccination report maliban kung may mga bagong tauhan na naitalaga.
Moira Encina