Mga trial courts sa NCR, maaari nang magsagawa ng in-court proceedings simula sa Oktubre 18
Pinayagan na ng Korte Suprema ang pagsasagawa ng in-court proceedings sa mga trial courts sa NCR simula sa Oktubre 18.
Ito ay matapos na ibaba ng gobyerno sa Alert Level 3 ang Metro Manila.
Sa sirkular na inisyu ni Court Administrator Jose Midas Marquez, sinabi na puwede na ang in-court proceedings sa first- at second-level courts sa NCR para sa mga urgent matters at iba pa na dideterminahin ng presiding judge.
Pero, limitado ang in-court attendance sa mga abogado, partido, at testigo na obligadong humarap in-court.
Ang iba na hindi naman kailangan na dumalo pero nais na mag-obserba sa pagdinig ay maaari sa pamamagitan ng videoconferencing alinsunod sa mga patakaran.
Hanggang 50% na skeleton workforce naman ang pinapahintulutan sa mga korte at essential judicial offices.
Inalis na rin ang suspensyon ng filing at service ng mga pleadings at mosyon sa lahat ng trial courts sa buong bansa kahit ano pa ang alert level o community quarantine classification dahil puwede naman ang electronic submission at service.
Puwede na rin ang personal filing o service ng pleadings at iba pang court submissions para sa exigent matters at cases.
Moira Encina