Mga tropa ng pamahalaan, nagkukumahog nang makapagdala ng tulong sa typhoon survivors
Nagkukumahog na ang mga tropa ng pamahalaan para magdala ng tubig at pagkain sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette, habang umapela naman ng tulong ang mga charity para sa daang libong nawalan ng tahanan.
Hindi bababa sa 375 katao ang nasawi at daan-daan ang nasaktan nang manalasa ang bagyong Odette (international name – Rai), sa southern at central regions ng Pilipinas, kung saan winasak nito ang mga bahay na yari sa kahoy, binunot ang mga puno, at itinumba ang mga poste ng kuryente.
Sa ulat ng United Nations, nagkaroon ng lubhang pagkawasak ang mga lugar na grabeng tinamaan ni Odette, na bumayo sa bansa noong Huwebes bilang isang super typhoon.
Higit 400,000 katao ang pansamantalang tumutuloy ngayon sa evacuation centres o sa mga kamag-anak, matapos wasakin o sirain ng pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa ngayong taon ang kanilang mga bahay.
Sa social media post ni provincial Governor Arthur Yap, isa sa lubhang tinamaan ay ang isla ng Bohol na kilala sa kaniyang mga beach, Chocolate Hills, at tarsier, kung saan hindi bababa sa 94 ang namatay. Kaugnay nito ay idineklara na sa isla ang isang state of calamity.
Malawak din ang pagkawasak na tinamo ng Siargao, Dinagat at Mindanao islands.
Libu-libong tropa ng militar, pulisya at coast guard ang idineploy para magdala ng pagkain, maiinom na tubig at medical supplies sa mga nakaligtas.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana . . . “I have directed the (military) to deploy all available assets — ships, boats, aircraft, trucks — to bring relief goods to the stricken areas.”
Nagpadala rin ng heavy machinery gaya ng mga backhoe at front-end loaders, para i-clear ang mga kalsada.
Ang Red Cross man ay nagpadala na rin ng relief goods sa mga isla ng Siargao at Bohol, na kapwa sikat na tourist destinations na pareho ring nahihirapang makabawi matapos mabawasan ng malaki ang mga bumibisita sa lugar dulot ng Covid-19 restrictions.
Ayon kay Alberto Bocanegra, head ng International Federation of Red Cross (IFRC) at ng Red Crescent Societies in the Philippines . . . “The emergency appeal by IFRC helps us to act swiftly and do all we can to help people and families get back on their feet.”
Ang organisasyon ay umapela para sa $22 million para pondohan ang agarang relief at recovery efforts. Ang UK ay nangako ng nasa $1 million sa IFRC.
Maging ang iba pang non-government organisations ay umaapela rin para sa donasyon.