Mga turista welcome pa rin sa Albay para saksihan ang pagputok ng Mayon
Maaari pa ring saksihan ng mga turista ang lava flow na bahagi ng pagputok ng Bulkang Mayon.
Paglilinaw ni Eugene Escobar, officer-in-charge ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (AMSEMO) welcome pa rin sa kanila ang mga turista na nais makita ang aktibidad ng Mayon.
Gayunman, ang bawal aniya ay ang pagpasok ng mga ito sa 6-kilometer permanent danger zone (PDZ).
Mahigpit ding ipinagbabawal ang leisure activities sa loob ng permanent danger zone.
“Welcome po ang turista na gustong pumunta at gustong mapanood ang pagbuga ng pulang lava, hindi bawal, huwag lang silang papasok sa loob ng 6km danger zone.”
“At kung itaas ang alerto sa 4, hindi na rin sila pwede sa 7km extended danger zone,” paliwanag ni Escobar sa panayam ng NET25 TV Radyo program na Ano sa Palagay Nyo? (ASPN).
Tiniyak naman ni Escobar ang patuloy na pakikipag-ugnayan nila sa PAGASA para sa pagbabantay sa direksyon ng hangin.
Sinabi ng opisyal na lahat ng munisipyo sa paligid ng Mayon ay posibleng maapektuhan ng ashfall.
Paalala niya sa mga residente, maging handa at magsuot ng facemask kung kinakailangan.
“Lahat ng bayan na nakapalibot sa bulkan ay maaaring tamaan ng ashfall depende sa takbo ng hangin, so patuloy po tayong naka-antabay at nagko-coordinate with PAGASA dahil nagmo-monitor po tayo ng wind direction, subalit ang general advisory po natin o precaution ay lahat po ng tao ay maging handa at magdala po ng kanilang mga facemask, kung halimbawa magkaroon ng ashfall ito po ay maari nilang gamitin para hindi po ito makapasok sa kanilang mga baga na magiging malaking health concern po ito,” pagdidiin pa ni Escobar.
Weng dela Fuente