Mga umano’y human rights violation sa Mindanao, di daw sapat para ipawalang-bisa ang 1-year extension- OSG
Hindi daw sapat ang mga sinasabing human rights violations sa Mindanao dahil sa Batas Militar para ipawalang bisa ng Korte Suprema ang isang taong pagpapalawig nito at ang suspensyon ng Priviledge of the writ of habeas corpus.
Ito ang isa sa mga ipinunto ng Office of the Solicitor General o OSG sa mahigit na animnapung pahinang Consolidated comment nito sa ikalawa, ikatlo at ikaapat na petisyon laban sa one-year extension ng Martial Law sa Mindanao.
Ayon sa OSG, dapat resolbahin sa hiwalay na proceedings ang mga alegasyon ng mga petitioners na paglabag sa karapatang pantao batay na rin sa mismong ruling ng Korte Suprema sa Lagman et al kung saan pinagtibay ang Martial law sa Mindanao.
Katwiran pa ng OSG, walang ebidensya ang mga petitioners sa mga ipinaparatang nitong human rights violations.
Wala rin anilang natatanggap na pormal na reklamo ang Armed forces of the Philippines o AFP na kaso ng paglabag sa karapatang pantao laban sa mga tauhan ng militar.
Sinabi pa ng OSG na hindi mahalaga ang isyu ng human rights violations sa pagdetermina kung may sapat na factual basis ang kongreso para palawigin ang batas militar.
Nakatakda namang isagawa ng Korte Suprema ang oral arguments bukas, Martes at sa Miyerkules kaugnay sa apat na petisyon na inihain na kumukuwestyon sa one-year extension ng batas militar.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===