Mga umuwi sa probinsya sa PITX, kumaunti ngayong Martes; ilang bus pa- Bicol at Mindoro halos wala umanong pasahero
Normal ang operasyon sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong Martes, October 31.
Hindi tulad noong weekend na dinagsa ang terminal ng mga pasaherong uuwi para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections at sa November 1 holiday ay mas kakaunti ang bilang ng mga pasahero sa PITX ngayong araw.
Paisa-isa halos ang pila ng mga pasahero sa mga ticket booth partikular ang mga biyaheng Bicol at mga pa- Visayas at Mindanao.
Iilan din ang mga pasahero na naghihintay sa pag-alis ng mga bus na kanilang sasakyan pa-lalawigan.
Ayon sa PITX, tinatayang 100, 000 pasahero lang ang inaasahan na aalis at magtutungo sa terminal ngayong Martes na normal na bilang o ang daily average foot traffic sa pasilidad.
Ito ay dahil sa nakauwi na rin sa mga probinsya noong weekend ang mas maraming bilang ng mga pasahero.
“For foot traffic, we’re expecting normal operations today, 100k daily average given that most of our passengers have gone to the provinces.” pahayag ng PITX
Noong Sabado, October 28 ay pumalo sa halos 160,000 ang pasahero sa PITX.
Hindi naman sumabay sa dagsa ng mga bakasyunista noong weekend si Mang Romeo na biyaheng Bicol para mas magaan ang biyahe.
“Kaya ganun ang inano ko Ngayon uuwi ako para maluwag. Mahirap kasi pag dagsaan ang pasahero , traffic.” pahayag ni Mang Romeo
Umiwas din sa dagsa ng mga biyahero noong Sabado at Linggo si Aling Salome na papuntang Camarines Sur.
“Kasi nung nakaraan ang dami. Mas okay ngayon kasi nga ineexpect ko mahaba pila kaya ang aga namin wala naman pala” pahayag naman ni Aling Salome
Sinabi naman ng bus dispatcher na si Michael na madami pang available na ticket ang mga bus nila na biyaheng Sorsogon at Tabako dahil halos walang pasahero sila ngayong Martes.
“Sa ngayon wala na kasi nga nauna nang umuwi ..ilan bus availabe? Sa ngayon lima pero baka di na namin maubos yan dahil wala nang pasahero talaga kasi sa labas pa lang kita na kapag mga pasahrro umaga pa lang marami na” saad naman ng Bus Dispatcher na si Michael
Wala ring halos pasahero ang bus na pa-Mindoro.
“Ngayon po wala e mayroon ako ngayong 10:30 siyam pa lang pero noong nakaraang araw ung 27, 28 hanggang 29 dun na yung maraming pasahero papuntang Mindoro.” paliwanag naman ni Winalyn ng ticket seller
Ayon sa ticket seller, posibleng sa December 20 hanggang Bagong Taon na muli magkakaubusan ng ticket.
Sinabi naman ng pamunuan ng PITX na Pagdating ng November 4 hanggang 6 ay inaasahan nila ang pagdami muli ng mga tao sa terminal dahil sa mga magbabalik mula sa mga bakasyon.
Moira Encina