Mga Undersecretaries at Assistant secretaries ng DOJ nagsumite na ng Courtesy resignation
Nagsumite na ng kani-kanilang courtesy resignation ang lahat ng kasalukuyang Undersecretaries at Assistant secretaries ng DOJ.
Ito ay kasunod ng kautusan ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa mga nasabing opisyal maliban sa mga career officials na magbitiw para mabigyan siya ng kalayaan na magawa ang mandato sa kanya ni Pangulong Duterte.
Kinumpirma ni Guevarra na kumpleto na ang lahat ng courtesy resignation ng limang Undersecretaries at pitong Assistant secretaries ng kagawaran.
May ilan anya dito na nagsumite na ng courtesy resignation bago pa man ang kanyang ipinalabas na memorandum noong April 24 habang ang iba ay matapos ang kanyang kautusan.
Isa naman sa mga Assistant secretaries ay Career Executive Service Officer kaya hindi maaring alisin.
Nakasaad sa memo ni Guevarra na hanggang wala pang pasya si Pangulong Duterte sa courtesy resignation ay kailangan pang magreport ng mga ito sa trabaho sa DOJ.
Kabilang sa undersecretaries na itinalaga ni dating Justice secretary Vitaliano Aguirre ay sina Erickson Balmes, Reynante Orceo, Raymund Mecate, Antonio Kho Jr. at Deo Marco at Assistant Secretaries na sina Juvy Manwong, George Ortha II, Moslemen Macarambon Sr, Cheryl Daytec-Yañgot, Sergio Yap II, Margaret Padilla at Adonis Sulit.
Ulat ni Moira Encina