Mga vaccination site sa Maynila dinagsa; Ilang sites maagang nag- cut off
Isang araw bago ang implementasyon ng Enhanced Community Quarantine sa National Capital Region, dagsa ang mga nais magpabakuna kontra Covid-19 sa mga vaccination site.
Sa Maynila, madaling araw pa lang ay napakahaba na ng pila sa mga vaccination site kaya naman ang ilang site nag anunsyo na ng cut off.
Sa anunsyo ng lokal na pamahalaan ng Maynila, hindi na tatanggap ng magpapabakuna para sa 1st dose ang vaccination site sa Lucky Chinatown Mall, Robinsons Place Manila, at SM Manila ngayong araw.
Ito ay dahil umabot na sa 2,500 ang mga tao na nagpunta roon.
2,500 doses lang kasi ng bakuna ang nakalaan sa mga nasabing site.
Samantala, kinansela naman ang bakunahan sa SM San Lazaro ngayong araw matapos dagsain ng mga nais magpabakuna.
Ayon sa Manila LGU, ito ay bilang pag-iingat na rin upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Maliban sa mga nasabing vaccination site, may 2nd dose vaccination din sa lungsod na ginagawa naman sa San Andres Sports Complex at Ramon Magsaysay High School.
Madz Moratillo