MIAA idinepensa ang rationalization sa NAIA
Maaari umanong umabot sa 43 milyon ang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong 2023 na lagpas na sa design capacity ng paliparan.
Ito ang sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Cesar Chiong kasabay ng pagpapaliwanag sa dahilan ng Schedule & Terminal Assignment Rationalization (STAR) program nito.
Ayon kay Chiong, limitado hanggang sa 32 milyong pasahero ang design capacity ng buong NAIA o ang oras ng paghihintay ng pasahero kada metro kwadrado.
Dagdag ni Chiong, inaasahan nila ang bugso ng mga dumadating at umaalis na pasahero sa NAIA ngayong taon lalo na’t bukas na ang international borders at nagluwag na sa travel at health restrictions.
Paliwanag ng opisyal, kinakailangan ang terminal re-assignments sa ilalim ng programa upang ma-balanse ang kapasidad ng apat na NAIA terminals.
Sa ganitong paraan ay matitiyak aniyang magkakaroon ng mas malaking espasyo sa paliparan, masi-serbisyuhan ang mas maraming pasahero at mas mapapabilis din ang pagproseso sa mga biyahero.
Moira Encina