MIAA, malinaw na pumalpak sa paghandle sa mga pasahero sa Xiamen Air crisis
Malinaw na nagkaroon ng kapalpakan ang mga opisyal ng Manila International Airport Authority o MIAA sa pag-handle sa pangangailangan ng mga pasahero na naapektuhan ng Xiamen Air incident.
Ito ang lumabas sa imbestigasyon ng Senate Committee on Public Services .
Katunayan, sinabi ni Senador Grace Poe, chairman ng komite, mas tinutukan ng MIAA ang recovery o clearing operations sa sumadsad na eroplano at napabayaan ang libu-libong pasahero.
Sa datos ng MIAA, umaabot sa dalawandaan at limampung libong padahero ang naapektuhan ng krisis sa naia na tumagal ng dalawang araw.
Sinabi ni Poe na hindi rin nasunod ang mga umiiral na protocol sa mga emergency situations.
Pero hindi pa masabi ng Senador kung ano ang posibleng liability ng mga opisyal ng MIAA dahil magpapatawag ng isa pang pagdinig sa isyu.
Sen. Grace Poe:
“Marami sa amin ang nakakakita na talagang malaki ang pagkakamali ng management ng airport at ng DOTr sapagkat tingnan mo, sa kanila manggagaling kung magkakaroon ng gate changes, kung ano ang mga papasok na mga flights, pero hindi nila yata naaabisuhan ng tama ang mga airlines, at ang mga airlines naman, kung naabisuhan, hindi rin naman nila naipaalam sa kanilang mga pasahero. Lahat talaga ay nagkaroon ng breakdown ng communication. Sabihin na nating aksidente ito at hindi naman natin pinaplano pero malinaw na ang kanilang mga protocol o ang kanilang mga dapat sinusunod na mga steps ay hindi nila nasunod”.
Ulat ni Meanne Corvera