Michael Yang kinuwestiyon sa SC ang arrest warrants at lookout bulletin order laban sa kanya
Nagpasaklolo sa Korte Suprema ang Chinese businessman at dating economic adviser ng pangulo na si Michael Yang ukol sa aniya’y lumalabis nang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa COVID medical supplies na binili ng gobyerno mula sa Pharmally.
Isa si Yang sa resource persons sa pagdinig matapos ito na maugnay sa mga opisyal ng Pharmally.
Sa petisyon ni Yang na inihain ng abogado nito na si Raymond Fortun, hiniling ng negosyante na ipawalang-bisa ng Supreme Court ang warrants of arrest at immigration lookout bulletin order na inisyu laban dito.
Ayon sa abogado, may grave abuse of discretion sa panig ng Senado sa mga inisyu nitong arrest orders at binalewala lamang ang hirit nila na bawiin ito.
Iginiit din ng kampo ni Yang na labag na sa karapatan nito na makabiyahe sa ilalim ng Saligang Batas ang lookout bulletin order ng DOJ lalo na’t walang reklamo o kaso itong kinakaharap ukol sa isyu.
Isa pa sa kinukuwestiyon ni Yang ay ang mga hinihinging impormasyon at dokumento ng Senate committee na lagpas na sakop ng imbestigasyon gaya ang ukol sa kanyang properties at mga empleyado.
Naniniwala ang panig ni Yang na seryosong panggigipit o harassment na ang ginagawa ng Senado.
Niliwanag pa ni Fortun na hindi nagtatago ang kanyang kliyente dahil ito ay nasa Davao lamang at patuloy itong haharap sa imbestigasyon ng Blue Ribbon.
Moira Encina