Microsoft pagmumultahin ng US ng $20 million dahil sa child data violations
Magbabayad ang Microsoft ng $20 milyon upang i-settle ang akusasyon ng gobyerno na nangolekta ito ng personal na impormasyon mula sa mga bata nang walang pahintulot ng kanilang mga magulang.
Inakusahan ng Federal Trade Commission (FTC) ang Microsoft na mula 2015 hanggang 2020 ay nangolekta ito ng personal na data mula sa mga batang wala pang 13-anyos, na nag-sign up sa Xbox gaming system nito nang walang pahintulot ng kanilang mga magulang at ni-retain ang naturang mga impormasyon.
Upang makapagbukas ng account, kailangan ng users na ibigay ang kanilang una at huling pangalan, email address, at araw ng kapanganakan.
Sinabi ng FTC, na nilabag ng Microsoft ang isang batas na tinatawag na Children’s Online Privacy Protection Act, o COPPA.
Ayon kay Samuel Levine, pinuno ng Bureau of Consumer Protection ng FTC, “Our proposed order makes it easier for parents to protect their children’s privacy on Xbox, and limits what information Microsoft can collect and retain about kids.”
Dagdag pa nito, “This action should also make it abundantly clear that kids’ avatars, biometric data, and health information are not exempt from COPPA.”
Ang desisyon ay kailangan pang aprubahan ng isang federal court bago maipatupad.
Sinabi ng FTC, na ang Microsoft ay aatasang gumawa ng ilang mga hakbang upang mapalakas ang privacy protections para sa mga batang gumagamit ng kanilang Xbox system.
Sa ilalim ng batas ng COPPA, ang mga online na serbisyo at website na target ang mga batang wala pang 13 taong gulang ay dapat ipaalam sa mga magulang ang tungkol sa personal na impormasyong kinokolekta nila at kumuha ng verifiable parental consent bago kolektahin at gamitin ang anumang personal na impormasyong nakuha mula sa mga bata.
Hindi naman agad na tumugon ang Microsoft nang hingan ng komento.