Militanteng grupo, hiniling sa DOF at BIR na kunin sa mga bank accounts ng mga Marcos ang sinasabing utang na P203-B estate tax
Dumulog sa Department of Finance at Bureau of Internal Revenue ang Akbayan Partylist para pagbayarin ang pamilya Marcos sa sinasabing utang nito na Php 203 billion estate tax.
Ito ay sa pamamagitan ng letter-petition na inihain ng militanteng grupo sa punong tanggapan ng DOF.
Sa kanilang sulat kina Finance Sec. Carlos Dominguez at BIR Commissioner Ceasar Dulay, hiniling ng Akbayan na i-garnish ang mga bank accounts nina presidential frontrunner Bongbong Marcos Jr., ina nito na si dating First Lady Imelda Marcos, at mga kapatid na sina Sen. Imee Marcos at Irene Marcos- Araneta, at lahat ng mge benepisyaryo at tagapagmana ng estate ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Anila sa ganitong paraan ay makukuha ng gobyerno ang utang sa buwis ng pamilya Marcos.
Ayon sa Akbayan, malinaw na delinquent tax payers ang mga Marcos kaya tama lang na kolektahin ng pamahalaan ang utang ng pamilya.
Wala rin anilang legal impediment sa BIR para i-garnish ang mga nasabing accounts.
Ang grupo ay sinalubong at kinausap naman ng ilang opisyal ng DOF ukol sa kanilang petisyon.
Tiniyak ng DOF na kanilang titingnan at pag-aaralan ang apela ng grupo.
Una nang iginiit ng kampo ni Marcos Jr. na hindi pa pinal ang ruling ng korte ukol sa estate tax.
Maging ang isyu ng ownership ng mga ari-arian na nasa litigation ay hindi pa anila naisi-settle sa hukuman.
Naniniwala ang panig ni BBM na sumulpot ang usapin sa nasabing buwis dahil sa maduming politika bunsod ng eleksyon.
Moira Encina