Militar tumulong na rin sa pag-apula sa wildfire sa malayong hilagang bahagi ng Canada
Ipinadala na rin maging ang militar ng Canada sa malayong hilaga upang tumulong sa paglaban sa daan-daang hindi na makontrol na wildfires, habang ang mga residente ng ilang liblib na komunidad ay lumikas na upang iwasan ang mga sunog.
Samantala, nahaharap nanan sa isang heat wave ang lalawigan ng British Columbia, sa bahaging Pacific Coast, na inaasahang lalo pang magpapatindi sa mga sunog.
Sinabi ni Defense Minister Bill Blair, “We stand with the people of the Northwest Territories as they deal with serious wildfires. In response to a request for assistance, the Canadian Forces will help with firefighting efforts, air transportation, and planning, coordination and logistics.”
Ang bilang ng ipinadalang mga sundalo ay hindi ibinunyag, ngunit daan-daan na ang ipinadala ng Canadian military sa apat na iba pang mga lalawigan sa nakalipas na mga buwan upang tumulong sa pag-apula sa wildfires kasama ng halos 11,000 mga bumbero, kabilang ang 5,000 na galing sa ibang bansa.
Ayon sa Canadian Interagency Forest Fire Centre (CIFFC), kumalat sa magkabilang panig ng bansa ang malalaking sunog na nakagugulat ang tindi, na nagtulak sa 168,000 Canadians na lisanin ang kanilang tahanan at sumunog sa 13.5 milyong ektarya, halos doble ng huling naitala na 7.3 milyong ektarya.
Samantala, apat katao na ang namatay sa wildfires ngayong taon.
Ang mga sunog ay nagbuga rin ng hindi pa kailanman nangyaring dami ng carbon dioxide na mahigit sa isang bilyong tonelada, na halos ay kapareho na ng ibinubuga sa loob ng isang taon ng 217 milyong mga sasakyan, o halos katumbas na ng annual emissions ng Japan.
Nitong nagdaang weekend, ilang mga komunidad sa Northwest Territories ang inatasang lumikas, kabilang ang 2,500 mga residente ng Fort Smith, habang 233 wildfires ang lumalamon sa higit 2.1 milyong ektarya ng kagubatan.
Sa kabilang dako ay nagbabala naman ang Environment Canada, na ang temperatura sa Vancouver at iba pang bahagi ng British Columbia kung saan 390 wildfires ang naglalagablab, ay titindi pa sa Miyerkoles.
Gayunman, ang mga temperatura ay hindi inaasahang lalampas sa record high na naitala noong June 2021, kung saan umabot ito sa 49.6 degrees Celcius (121.3 Fahrenheit) sa Lytton, bago nanalasa ang isang sunog na ikinasawi ng dalawang residente.
Sa isang advisory ay sinabi ng ahensiya, “A strong ridge of high pressure will bring rising temperatures to the South Coast (region of British Columbia). Well above seasonal daytime temperatures combined with elevated overnight temperatures will mean little relief from the heat.”
Ang Cultus Lake, sa silangan ng Vancouver, ang naging hotspot sa Canada nitong Linggo, kung saan naitala ang 31.1 degrees Celsius. Bahagi naman ng British Columbia ang hinuhulaang makararanas ng temperaturang aabot sa 40 Celsius sa linggong ito.