Military drill ng China laban sa Taiwan, kapapalooban ng live fire exercises
Nasa ikatlong araw na ngayong Lunes ang military drill na inilunsad ng China sa paligid ng Taiwan.
Tinawag na “Joint Sword”, sinabi ng People’s Liberation Army o PLA’s Eastern Theatre Command na ang 3-day operation ay kapapalooban ng pagsasanay para paikutan ang Taiwan.
Inaasahang magsasagawa ng live-fire drills ngayong araw ang China mula sa baybayin ng Fujian province na nakaharap sa Taiwan.
Sinabi ng PLA na ang operasyon ay magsisilbing babala laban sa anila’s pagsasabwatan ng separatist forces na nagsusulong sa independence ng Taiwan at external forces para labanan din ang provocative activities ng mga ito.
Ang hakbang ay kinondena ng Taipei habang nanawagan naman ng restraint ang Washington, na nagsabing mahigpit na nagbabantay sa mga aksyon ng Beijing.
Sa ulat ng state broadcaster CCTV, sinabi na ang task force ay magkakasabay na nag-organisa ng pagpapatrolya at mag-a-advance sa paligid ng Taiwan island para mapalibutan ito at magsagawa ng deterrence posture.
Nag-deploy ang Beijing ng mga eroplano at barko, gayundin ng uri ng armas gaya ng “long-range rocket artillery, naval destroyers, missile boats, air force fighters, bombers, jammers at refuellers.
AFP