Mindanao nadaig ang NCR sa mga bagong kaso ng COVID-19
Bagamat ang National Capital Region parin ang nananatiling epicenter ng COVID-19, nitong mga nakalipas na linggo ay naging mas mabilis ang pagtaas ng mga kaso ng virus infection sa Mindanao.
Ayon kay Dr. Alethea de Guzman, direktor ng Epidemiology Bureau ng Department of Health, maliban sa Mindanao nakitaan rin nila ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 ang ilang lugar sa Luzon na nasa labas ng NCR Plus.
Sinabi ni de Guzman na kung ikukumpara noong unang linggo ng Mayo, mas mataas ang naitatalang daily cases ngayon ng COVID-19 sa bansa.
Ang mas mataas na porsyento aniya ng pagtaas na ito, galing sa Mindanao.
Sa Davao City at Zamboanga region ay nakitaan rin ng spike ng mg bagong kaso na maaaring dahil umano sa mga kaso ng COVID-19 variants at hindi pagsunod sa minimum public health standards gaya ng pagsusuot ng face mask at madalas na paghuhugas ng kamay.
Ang Visayas ay nakikitaan na rin aniya ng tuloy tuloy na pagtaas ng mga kaso.Habang sa NCR Plus naman, nakitaan na rin ng pagtaas ng mga kaso sa Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Sa kabila nito, hindi naman inirerekumenda ng opisyal ang pagpapatupad ng mas mahigpit na community quarantine.
Maaari naman aniyang magsagawa ng granular lockdown ang mga LGU.
Apila ng opisyal sa publiko, huwag magsagawa sa pagsunod sa mga health protocol at huwag maging kampante kung ikaw ay nabakunahan na.
Sa kabila naman ng ilang panawagan na alisin na ang pagsusuot ng face shield sa health protocol, iginiit ni de Guzman na malaking tulong ang pagsusuot nito para mabigyan ng proteksyon ang isang indibiwal laban sa virus.
Madz Moratillo