Minimum load sa mga beep cards, pinatatanggal ng mga Senador sa DOTr
Nakastigo ng mga Senador ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) sa isyu ng beep card.
Ayon sa mga mambabatas, maganda ang ginawang hakbang ng DOTr na magkaroon ng cashless transactions para maiwasan ang pagkalat ng Covid- 19 sa mga pasahero pero hindi sila pabor na magtakda pa ng minimum na 65 hanggang 180 pesos bago magamit ang card ng mga pasahero.
Ayon kay Senador Grace Poe na baka maaaring babaan ang minimum amount na required imbes na 180 pesos.
Hindi aniya ito kakayanin ng ilang mananakay tulad ng mga construction workers dahil mas madalas sakto lang ang kanilang bitbit na pamasahe.
Ayon naman kay Senador Nancy Binay, baka pwedeng alisin na ang minimum na 65 pesos dahil napakalaking halaga ito para sa mga minimum wage earners lalu na ngayong may pandemya.
Paliwanag naman ng mga opisyal ng DOTr, naglalagay ng minimum load dahil point to point ang biyahe ng mga bus at para hindi na maabala ang mga pasahero.
Atty. Mark Steven Pastor, Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure:
“May pagkakataon na kailangang i-swipe ang card bababa sa Pitx ang laman lang ay 30 pesos. Para maiwasan ang ganung pagkakataon, naglalagay ng minimum load pero patuloy ang pakikipag-ugnayan namin para masolusyunan at para hindi maging dagdag na gastusin sa ating mga kababayan”.
Pagtiyak naman ni DOTr Secretary Arthur Tugade, nakipagpulong na sila sa mga stakeholders at nakiusap na kung maaari ay huwag nang magpataw ng karagdagang charges sa mga pasahero.
Inatasan na rin niya ang LTFRB na alisin ang ipinapataw na limang pisong convenience o service fee.
Kinumpirma ng kalihim na unti-unti na nilang ipinapatupad ang modernization sa mga pampublikong transportasyon.
Katunayan sa mga susunod na araw, bukod sa tren at bus, susubukan na ring gamitin ang mga beep cards sa mga barko o tuluyan nang tanggalin ang mga cards sa halip ang load para sa pamasahe ay maaari na ring maipadala sa mga cellphones.
Meanne Corvera