Minimum pension ng mga miyembro ng SSS posibleng tumaas sa ₱5000 sa 2022
Malaki ang posibilidad na maging ₱5,000 ang minimum pension ng mahigit sa 2.5 million pensioners ng Social Security System sa bansa sa taong 2022.
Ayon kay SSS Chairman Dean Amado Valdez, balak nilang itaas pang muli ang pension ng mga retiradong Pilipino pagbaba ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pwesto sa 2022.
Layon din ng ahensiya na ibigay ang natitirang P1,000 mula sa P2,000 pension increase sa taong 2019 at hindi sa kanilang naunang itinakda na 2020.
Bagaman binigyang diin din nito na ang kanilang planong increase sa minimum pension ay nakadepende pa rin sa pag-apruba ng SSS Charter sa Kongreso.
Ayon naman kay SSS President and CEO Emmanuel Dooc, dapat sana ay nagkaroon na ng increase ang member contribution ng 1.5 percent noong Hunyo ngayong taon ngunit hindi pa naglalabas ng executive order ang Office of the President sa isyung ito.
Agresibo rin ang ahensiya sa mga tinaguriang delinquent employers sa bansa para maibigay sa mga empleyado ang kanilang mga kontribusyon kada buwan.