Minimum public health standards pinakamabisa paring pangkontra kahit sa bagong variant ng COVID-19 – DOH
Irerekumenda na ng Department of Health na makasama sa mga may ipapatupad na travel restriction ang United Arab Emirates.
Ito ang inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III kasunod ng pagpositibo sa uk variant ng COVID-19 ng isang pinoy galing sa UAE.
Naniniwala si Duque na maaaprubahan ng tanggapan ng pangulo ang kanilang rekumendasyon.
Kaugnay nito tuloy tuloy ang ginagawang contact tracing ng Department of Health sa mga nakasabay sa eroplano at iba pang nagkaroon ng close contact sa pinoy na kauna- unahang kaso ng nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 dito sa bansa.
Ayon kay Health Usec Ma Rosario Vergeire, sa 159 pasahero na nakasabay nito sa Emirates flight EK 332 sa pagbalik sa bansa ay 92 na ang kanilang na contact kung saan 52 rito ang nagrespond habang sa 23 na nakaupo sa mga upuan sa harap, gilid at likuran ng nasabing kaso ay nakontak na rin at 12 ang nagrespond.
Sinabi pa ni Vergeire ang iba sa kanila ay unattended ang telepono, wrong number habang ang iba ay hindi sinasagot ang tawag ng mga contact tracer.
Apila nito sa mga nakasabay nila sa eroplano, makipag – ugnayan sa mga barangay health emergency response team sa kani – kanilang lugar.
Kaugnay nito, inirekumenda narin ng DOH ang contact tracing hanggang sa ikatlong generation ng nakasalamuha ng nasabing UK variant case.