Minorya sa Kamara hiniling sa liderato ng Kamara na obligahin ang mga Department head na dumalo sa Plenary deliberation ng 2023 Proposed National budget
Hiniling mismo ni House Minority Leader Marcelino Libanan sa liderato ng Kamara na dapat ay physically present ang mga department heads ng ibat ibang ahensiya ng pamahalaan lalo na ang mga miyembro ng economic team ng administrasyon sa plenary deliberation ng 2023 General Appropriations Bill na nagkakahalaga ng 5.268 trillion pesos.
Sinabi ni Libanan na mahalaga ang presensiya ng Department heads para maipaliwanag at masagot nang maayos ang mga tanong sa interpellation ng mga Kongresista sa budget ng Government Agencies.
Ang economic team ng pamahalaan ang bumubuo din sa Development and Budget Coordination Committee na kinabibilangan ng Department of Finance, Department of Budget and Management, National Economic Development o NEDA at Bangko Sentral ng Pilipinas na magpi-prisinta sa dalawang kapulungan ng Kongreso sa mga probisyon ng 2023 General Appropriations Bill.
Inihayag ni Libanan na hindi dapat na I-terminate ang period of interpellation sa Plenary deliberation nang hindi nalilinaw ang bawat probisyon ng panukalang pambansang pondo.
Vic Somintac