MMDA at DPWH, naglagay na ng mga orange barrier, pag-upo sa Seawall ng Manila Bay, bawal na
Muling binakuran at nilagyan na ng cordon at mga orange barrier ang seawall ng Manila Bay.
Nangangahulugan ito na bawal nang maupo sa seawall at bumaba sa dalampasigan ng Manila Bay habang may on-going na rehabilitation.
Sakop nito ang kahabaan ng Roxas Boulevard mula sa may US Embassy hanggang sa Rajah Sulaiman.
Maaari pa rin namang tumambay sa harap ng Manila Bay sa lugar na tanaw pa rin naman daw ang paglubog ng araw pero hindi na maaring lumapit ang mga residente sa dagat.
Samantala, isang lalaki na ang nasampolan at inaresto ng mga pulis dahil sa paliligo sa Manila Bay.
Ayon kay Police Senior Inspector Randy Veran, supervisor ng Manila Bay, kinasuhan nila ang 22- anyos na si Raprap Micarcus matapos tumalon sa dagat sa kabila ng pakiusap ng mga otoridad.
Paglabag sa Section 187 ng Manila Ordinance ang isinampa laban kay Micarcus.
Sa ngayon may nakadeploy nang tauhan ng pnp sa lugar bukod pa sa mga tauhan ng mmda na nag-iisyu ng tiket laban sa mga dumudura, umiihi at nagtatapon ng basura sa kahabaan ng baywalk.
Ulat ni Meanne Corvera