MMDA, nakiusap sa mga mall owner na maayos na pangasiwaan ang mga sasakyang pumapasok sa kanilang parking lots
Nakiusap ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga may-ari ng malls na pangasiwaan ng maayos ang mga sasakyang papasok sa kanilang mga parking lot upang hindi maging sanhi ng pagsisikip sa daloy ng trapiko sa mga main thoroughfares.
Noong nakaraang Lunes, November 5, sinimulan nang ipatupad ang adjustment sa oras ng pagbubukas at pagsasara ng mga malls sa Metro Manila partikular sa Edsa upang makabawas sa pagsisikip ng trapiko ngayong holiday season.
Sa panayam ng Radyo Agila, sinabi ni MMDA Supervising Operations Officer Col. Bong Nebrija, na kaya hinabaan ang mall hours ay upang makatulong sa maayos na daloy ng trapiko sa inaasahang pagdagsa ng mga mamimili ngayong papatapos na ang taon.
Bukod sa regular na limandaang (500) MMDA personnel na nagmamando ng trapiko sa kahabaan ng EDSA, pinapanatili rin nilang maayos at obstruction-free ang labimpitong(17) Mabuhay Lanes sa Metro Manila.
Samanatala, patuloy rin ang pagbabantay na ginagawa ng special operations task force sa mga palengke upang maiwasan ang mga pumupuwesto sa paligid ng mga pamilihan na nakakasagabal sa mga daanan.
Nakiusap din si Nebrija sa mga motorista na iwasan ang pagiging mainitin ang ulo at manatiling kalmado dahil kapag ganitong panahon ay bumibigat talaga ang daloy ng trapiko.