MMDA nilinaw na fake news ang kumakalat na bagong number coding scheme
Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na fake news o maling impormasyon ang kumakalat na infographic na may bagong number coding scheme na paiiralin simula Mayo 16, 2022.
Binibigyang-diin ng MMDA na walang pagbabago sa ipinapatupad na scheme.
Nananatili pa rin ang pagpapatupad ng modified number coding scheme mula 5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes, maliban lamang tuwing holidays.
Bagamat may mga panukalang modification rito, wala pang pinal na naaprubahan.
Sakaling magkaroon ng pagbabago sa polisiya, dapat aprubado ito ng Metro Manila Council na binubuo ng 17 alkalde ng Metro Manila.
Paalala ng MMDA, kung may natatanggap na mensahe o post sa social media ukol sa number coding at nais itong iberipika, maaring tumawag sa MMDA Hotline 136 o magpadala ng mensahe sa MMDA official page sa Facebook, Twitter at Instagram.