MMDA sakop ng inisyung TRO ng Korte Suprema vs. NCAP
Nilinaw ng Korte Suprema na maging ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ay sakop ng ipinalabas na temporary restraining order (TRO) laban sa implementasyon ng ‘No Contact Apprehension Policy’ (NCAP).
Ibig sabihin ay bukod sa Land Transportation Office (LTO) at mga LGU ng limang lungsod sa Metro Manila ay hindi maaaring manghuli ang mga tauhan ng MMDA sa ilalim ng mga ordinansa at programa ng NCAP.
Hinimok naman ni Supreme Court Spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka ang mga dating nahuli sa NCAP na hintayin ang aktuwal na kautusan ng Korte Suprema sa mga petisyon.
Sa inisyung TRO, sinabi ng SC na effective immediately ang pagbabawal sa pagpapatupad ng NCAP.
Itinakda ang oral arguments sa mga NCAP petition sa Enero 24, 2023.
Moira Encina