Mobile internet speed sa Pilipinas, nag-improve noong Setyembre
Lumabas sa report ng Ookla, isang network intelligence provider, na nag-improve ang mobile internet speed sa Pilipinas noong Setyembre kumpara sa sinundan nitong buwan.
Subalit humina naman ang fixed broadband performance.
Sa resulta ng pinakahuling Internet Performance Report ng Ookla na inilabas ngayong araw, lumitaw na ang average mobile download speed sa Pilipinas ay nasa 35.03 Mbps nitong Setyembre, mas mabilis kaysa 33.77 Mbps na naitala noong Agosto.
Kumpara sa kaparehong buwan noong isang taon, lumakas ang mobile download speed ng 107%. Gayunman, mababa pa rin ito sa global average na 63.15 Mbps as of September.
Ranked 72nd ang Pilipinas mula sa 138 mga bansa na sinubaybayan ng Ookla sa mobile download speed nitong Setyembre, tumaas ng isang rank mula noong Agosto.
Iniulat din ng Ookla, na ang oras ng pagdating ng impormasyon mula sa source at sa destinasyon nito, ay 32 ms noong Setyembre para sa mobile networks, mas mataas kaysa 30 ms noong Agosto.
Sa kabilang dako, ang fixed broadband download speed naman sa Pilipinas ay may average na 71.85 Mbps nitong September, mas mababa mula sa 72.56 Mbps na naitala noong Agosto.
Dahil dito, ang monthly ranking ng bansa ay bumaba sa 64, mula sa 181 mga bansa na sakop ng Ookla report.