Mock bar exams isasagawa sa Enero 31 bilang paghahanda sa Digitalized Bar examinations sa Nobyembre
Magdaraos ang Korte Suprema ng pilot o mock Bar Examinations sa katapusan ng buwan bilang parte ng preparasyon sa Digitalized Bar exams sa Nobyembre.
Sa Bar Bulletin na pirmado ni Bar Exams Chairperson at Justice Marvic Leonen, sinabi na isasagawa ang pilot bar exams sa apat na testing sites sa Baguio City, Metro Manila, Cebu, at Davao sa Enero 31.
Lalahukan ang mock bar exams ng nasa 120 estudyante.
Sinabi sa abiso na ang pilot bar exams ay small-scale simulation ng aktwal na Bar Examinations na gagamitan ng computer software at virtually at physically proctored.
Layunin nito na mapagbuti ang mga procedure at technical specifications para sa kauna-unahang digital at localized bar exams sa Nobyembre.
Ang mga pre-selected students ay kailangan maghain ng aplikasyon sa online portal ng Supreme Court na bubuksan sa Enero 12 at magtatapos sa Enero 20.
Nilinaw na walang matatanggap na merit o demerits ang mga lalahok sa pilot bar exams.
Iaanunsyo ng Supreme Court ang mga patakaran at timeline sa bar exams bago mag- Pebrero 14.
Moira Encina