Moderna at AstraZeneca vaccines inaprubahan na ng Japan
TOKYO, Japan (AFP) – Pormal nang inaprubahan ng Japan ngayong Biyernes, ang Moderna at AstraZeneca COVID-19 vaccines, ngunit ang AstraZeneca ay hindi agad gagamitin dahil sa nagpapatuloy pa ring pangamba kaugnay ng napakabihirang blood clots.
Ang desisyon ay ginawa halos lampas lang ng dalawang buwan bago ang naantalang Olympics, kung saan marami ang nagrereklamo dahil sa mabagal na vaccine rollout.
Siyam na rehiyon na kabilang ang Tokyo, ang nasa ilalim ng virus state of emergency at ito ay ipatutupad na rin sa Okinawa.
Hanggang sa kasalukuyan, tanging ang Pfizer-BioNTech lang ang available sa Japan, matapos aprubahan noong Pebrero, habang dalawang porsiyento pa lamang ng 125 milyong mga residente ang nakakumpleto na ng dalawang doses ng bakuna.
Sa isang pahayag, sinabi ng health ministry na dalawang dagdag na formula ang inaprubahan na.
Subalit ayon sa isang tagapagsalita, magpapatuloy ang talakayan tungkol sa paggamit sa AstraZeneca vaccine, habang minomonitor ang sitwasyon sa ibang bansa.
Tanging medical workers at matatanda lamang ang bibigyan ng naturang mga bakuna, at wala pang takdang panahon kung kailan ito gagamitin sa iba.
Dalawang vaccination center na pinatatakbo ng militar ang bubuksan sa Tokyo sa susunod na linggo, habang una namang bibigyan ng Osaka ng dalawang doses ng Moderna vaccine ang mga lampas na sa edad na 65.
Ayon sa chief executive ng Moderna, ikinukonsidera nila ang paggawa ng bakuna sa Asya, posibleng sa Japan.
Sinabi ni International Olympic Committee chief Thomas Bach, na hindi bababa sa tatlong quarter ng mga atleta at team members na nananatili sa Tokyo Olympic village, ang babakunahan bago ang palaro na magbubukas sa July 23.
Ayon sa medics, maliit ang virus outbreak sa Japan kung saan nasa 12-libo lamang ang nasawi sa kabuuan, subalit ang pinakabagong bugso ng infection ay pumipilay na sa mga ospital.
Ang Japan ay may kasunduan sa mga kompanya ng gamot, na magbigay ng sapat na bakuna para sa buong populasyon, kabilang ang Moderna doses para sa 25 milyong katao, Pfizer para sa 97 milyong katao, at AstraZeneca doses na sapat para sa 60 milyong katao.
@Agence France-Presse