Mommy, handa ka na ba sa online classes?
Walang duda na malaki ang ipinagbago ng buhay natin dahil sa COVID-19 outbreak.
Marami ang hinaharap nating mga pagsubok dahil karamihan ay nawalan ng trabaho at isa sa napakalaking pagbabago ay ang pagpasok sa paaralan ng ating mga anak.
Mula sa regular on-campus school ngayon ay sasanayin na natin ang ating mga estudyante sa online learning.
Hindi lamang ang mga guro at mga estudyante ang kailangang magsanay o maghanda sa makabagong pamamaraan ng pag-aaral. Maging ang mga magulang ay may bahagi sa mapaghamong pagharap sa “new normal education.”
Natatandaan nyo ba ang kasabihang “Education starts at home,” kaya higit na kailangan ngayon ang tulong ng mga magulang sa pag-aaral ng ating mga anak.
And as a parent, ano man ang estado natin sa buhay, marami man tayong mga katanungan at alalalahanin (concerns) but above all ang nais natin ay matulungan at masuportahan natin ang ating mga anak lalo na sa kanilang makabagong pag-aaral.
Kaya naman nagsaliksik ang Happy Mommy ng ilan sa mga mahalagang gampanin nating mga magulang.
Noong pre-pandemic ang karaniwan sa inihahanda natin bago ang pasukan sa paaralan ay ang kanilang tuition fees, allowance at mga gagamitin sa paaralan at kapag nasa school na sila we’re thinking that they are safe.
Narito ang ilan sa mga dapat paghandaan ng mga magulang sa nalalapit na New Normal Education.
1. Internet Connection at ang mga devices na gagamitin gaya ng laptop, cellphone o anumang kauri nito. (wag mag-alala ang mga nasa “Last Mile Schools” o iyong mga matatagpuan sa mga malalayo at liblib na mga lugar dahil may inihanda ang pamahalaan para makarating ang mga modules na gagamitin sa pag-aaral ng inyong mga anak.)
2. Bigyan din natin sila ng sapat na espasyo o pribilehiyo na makakapag concetrate sila sa panahon ng kanilang klase.
3. Iwasan na sila ay utusan kung nag-sisimula na sa pag-aaral.
4. Napakahalaga na ngayon pa lamang ay ma-establish na ang kanilang mga schedule. Dahil for almost 5 months ay muling mababago ang kanilang daily routine. Tayo ngang matatanda ay nahihirapan sa pagbabago kaya higit na kailangan ang matinding pang-unawa sa ating mga anak.
5. Ibahin din ang mga school activity at home activity kahit tayo ay naka stay at home upang hindi ma-bored ang ating mga anak.
6. Mahalaga na pamalagiang sinusubaybayan natin sila sa pag-access o pag-gamit ng internet lalo na sa panahon ng kanilang klase. May tinatawag na “brotation” o browsing temptation na wala namang kinalaman sa kanilang pinag-aaralan sa panahon ng klase. Isa pa ang “clicktation” o ang pag click at pag-open ng mga game app na nakaka-agaw ng attention.
7. Kailangan i-monitor din ang screen ng kanilang ginagamit sa pag-aaral upang hindi masira ang kanilang mga mata at kailangan i-control din ang sounds ng headset dahil sa kalaunan ay maaaring maka-apekto ito sa kanilang pandinig. Hindi ito dapat ipag-walang bahala dahil mahalagang mapanatili ang kalusugan ng ating mga anak lalo pa at nabawasan ang kanilang mga pisikal na aktibidad.
8. Magbigay din ng sapat na oras sa pag-gamit ng mga mga gadgets o telebisyon kung tapos na ang klase upang makapagpahinga ang kanilang mga mata.
9. Kasabay ng pag gabay ay huwag kakalimutang ituro ang mga good values dahil makakatulong ito sa kanilang pang-araw araw na pag-gawa at sa ikauunlad ng kanilang pag-aaral.
10. Hindi rin masama na tayong mga magulang ay maging techie at tumuklas ng mga kaalaman na makakatulong sa kanilang pag-aaral. Maaaring umatend ng mga webinar at maaaring makipag-ugnayan sa kanilang mga guro kung sa tingin ninyo ay makakatulong ito sa ating mga anak.
Gamitin natin ang nalalabi pang panahon bago ang pasukan na kilalanin pa natin ang ating mga anak at pakinggan natin ang kanilang saloobin at bigyang pansin ito.
Samantalahin din ang pagkakataon na magbigay ng sapat na oras upang magabayan sila sa kanilang pag-aaral at mabigyan ng sapat na atensyon.
Tayong mga magulang ang magsisilbing motivation sa kanila sa panahong sila ay nag-aaral sa loob ng ating tahanan.
Maramdaman ng ating mga anak ang paagmamahal at pag-suporta natin sa kanila upang hindi sila makaramdam ng pressure, anxiety and depression.
Malaking papel ang hamon na ito para sa ating mga magulang lalo na sa mga working Parents.
At kahit nasa gitna tayo ng Public Health Emergency ay itataguyod natin ang pag-aaral ng ating mga anak gaano man ito kahirap.