Money remittance transactions sa Bilibid, umaabot ng hanggang P300K kada isang araw
Isa sa mga sinilip ng Senado sa pagdinig ukol sa mga isyu sa New Bilibid Prisons (NBP) ay ang ukol sa mga money remittance transaction sa piitan.
Ayon sa negosyanteng si Molly Avejar na siyang may hawak sa Gcash at money remittance transactions sa Bilibid na nagsimula nitong taon, minsan ay umaabot ng hanggang P 300,000 kada araw ang ipinapadalang pera sa mga inmate ng mga pamilya nito.
Nang tanungin ng mga Senador si Avejar na kung paano nito napasok ang remittance service sa Bilibid, sinabi nito ito ay bunsod ng kaniyang karanasan bilang dating inmate.
“Nagvolunteer po ako since may kilala po ako na mga pdl and sa sarili ko rin po alam ko po dahil before kapag pinapadalhan po ako talagang malaki po nababawas” pahayag ng negosyante na si Molly Avejar
Dumaan naman aniya sa proseso ang paghawak niya sa money remittance transaction sa kulungan.
Three percent naman aniya ang kinakaltas niya sa mga ipinapadalang pera sa kaniya kaya maaaring umaabot ng P9,000 ang kita niya kada araw.
Ang mga perang ipinadala naman sa negosyante ay inaabot nito sa isang pinagkakatiwalaang PDL kung saan iki-claim ng mga inmate ang salapi.
Nilinaw naman ng BuCor na pinapayagan ang mga inmate na humawak ng pera ng hanggang P2,000 kada linggo.
Wala namang nakikita si Senate Committee on Justice and Human Rights Chair Senator Francis Tolentino na iligal sa GCash at money remittance transactions dahil dumaan naman ito sa public bidding ngunit kailangan na mayroong kontrata sa BuCor.
“In all fairness nagbidding naman tapos diba nakakatulong dahil mabilis nakakarating ang pera tama lang siguro na may konting income ung gumagawa. ang gusto lang natin malaman sigurong dito ung duration ng contract kung may written contract dapat magkaroon nito hindi pwedeng very informal” pahayag ni Senador Francis Tolentino
Moira Encina