Monkeypox vaccines ilang buwan pa bago dumating, bagama’t nagdeklara na ang Africa CDC ng emergency
Maaaring abutin pa ng kung ilang buwan bago makarating ang mga bakunang makatutulong sa pagsugpo sa monkeypox outbreak sa Democratic Republic of Congo at katabi niyong mga bansa, sa kabila nang ikinukonsidera na rin ng World Health Organization na tularan ang top public health agency ng Africa sa pagdedeklara sa outbreak bilang isang emergency.
Noong Martes, sa kauna-unahang pagkakataon ay idineklara ng Africa Centers for Disease Control and Prevention, ang isang ‘public emergency of continental concern,’ at noon namang Miyerkoles ay isang WHO-led panel ang nagpulong upang pagpasyahan kung kumakatawan ba ito sa isang ‘global threat.’
Ngunit habang umaasa ang mga eksperto na ang mga pagpupulong ay magpapakilos sa buong mundo, nananatili pa rin ang maraming mga balakid, kabilang na ang limitadong suplay ng bakuna at outbreaks ng mga sakit na tila nagkukumpetensiya sa isa’t-isa.
Sinabi ni Jean-Jacques Muyembe-Tamfum, pinuno ng Institut National pour la Recherche Biomudicale (INRB) ng Congo, “It is important to declare an emergency because the disease is spreading. I hoped any declaration would help provide more funding for surveillance as well as supporting access to vaccines in Congo.”
Ngunit tanggap niya na hindi madali ang hinaharap para sa isang malaking bansa, kung saan ang health facilities at humanitarian funds ay ‘nababanat’ na dahil sa mga hidwaan at outbreaks ng mga sakit gaya ng tigdas at kolera.
Ayon kay Emmanuel Nakoune, isang monkeypox expert sa Institut Pasteur de Bangui sa Central African Republic, “If the big declarations remain just words, it won’t make any material difference.”
Sinabi ng Africa CDC noong nakaraang linggo, na nabigyan ito ng $10.4 milyon na emergency funding mula sa Africa Union para sa monkeypox response nito, at sinabi ng director general nito na si Jean Kaseya noong Martes na mayroong malinaw na plano para makakuha ng 3 milyong dosis ng bakuna ngayong taon, ngunit hindi na ito idinetalye pa.
Gayunman, ang mga sources na sangkot sa pagpaplano ng vaccination roll-out sa Congo ay nagsabi, na 65,00 doses lamang ang malamang na maging available sa panandaliang panahon, at ang mga kampanya ay malamang na hindi magsimula bago ang Oktubre, sa pinakamaaga.
Mayroon nang mahigit sa 15,000 pinaghihinalaang mga kaso ng monkeypox sa Africa ngayong taon at 461 na pagkamatay, pangunahin sa mga bata sa Congo, ayon sa Africa CDC.
Ang impeksyon sa virus ay kadalasang banayad ngunit maaaring pumatay, at nagiging sanhi ng mga sintomas tulad ng sa trangkaso at mga sugat na puno ng nana.
Ang isang bagong pag-usbong ng virus ay nagresulta ng mga outbreak sa refugee camps sa silangan ng Congo ngayong taon, at kumalat sa Uganda, Burundi, Rwanda at Kenya sa unang pagkakataon.
Ang Ivory Coast at South Africa ay nakararanas din ng mga outbreak na iniuugnay sa naiibang strain ng virus, na kumalat sa buong mundo noong 2022, na karamihan ay sa mga lalaking nakipag-ugnayang seksuwal sa kapwa nila lalaki.
Ang outbreak na ito ang nagtulak sa WHO na magdeklara ng isang global emergency bago ito tinapos sampung buwan makalipas.
Pagkatapos, dalawang bakuna ang ginamit – Bavarian Nordic’s Jynneos, at LC16, na ginawa ng KM Biologics. Sa labas ng mga klinikal na pagsubok, wala pa ring magagamit sa Congo o sa buong Africa, kung saan naging endemic ang sakit sa loob ng mga dekada. Ang LC16 lamang ang inaprubahan para gamitin sa mga bata.
Inaprubahan ng regulator ng Congo ang paggamit sa mga bakuna sa loob ng bansa noong Hunyo, ngunit hindi pa opisyal na humihiling ang gobyerno ng anuman mula sa alinman sa mga manufacturer o sa pamahalaan, gaya ng Estados Unidos na gustong magbigay ng mga donasyon sa pamamagitan ng Gavi, ang global vaccination group.