MORE Power iginiit na ang NGCP ang may pagkukulang sa Panay blackout
Pumalag ang More Electric and Power Corporation (MORE Power), ang power distribution utility sa Iloilo City, sa paninisi sa kanila sa nangyaring malawakang blackout sa Panay Island.
Giit ni More Power President at CEO Roel Castro, hindi nauunawaan ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang buong sistema kaya mahirap magkomento sa maling basehan nito.
Bagamat una nang tinukoy ng Depatment of Enegy at Energy Regulatory Commission na ang National Grid Corporation of the Philippines ang nagkaroon ng pagkukulang sa nangyaring blackout.
Una rito ay sinabi ni Energy Secretary Raphael Lotilla na ang dapat sisihin sa insidente ay ang ang power grid operator.
Ang Panay ang ika- 6 na pinakamalaking isla sa bansa na binubuo ng probinsya ng Aklan, Antique, Capiz at Iloilo.
Paliwanag ni More Power President Castro, bagamat hindi maiiwasan na may ilang mga problema sa sistema ay maaaring naiwasan sana ang pag-collapse nito at ang nangyaring total blackout kung agad nagkaroon ng pag-aksyon ang NGCP.
Aminado ang opisyal na sa peak ng El Niño phenomenon ay posibleng maulit ang kaparehas na insidente kung mabibigo muli ang NGCP na protektahan ang buong grid system.
Tiniyak naman ng More Power ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa NGCP para sa pagbabalik ng kuryente sa mga residente ng Iloilo City.
Sa ngayon ay nasa 48 hanggang 50% pa lamang ang kayang alokasyon ng NGCP kaya naman nasa 50% pa lamang ang nabibigyan ng kuryente sa peak demand at nakakaranas pa rin ng rotational brownout sa lalawigan.
Madelyn Moratillo