MPD, inatasang mag-imbentaryo matapos ang sunog sa Crime Lab
Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar ang Manila Police District (MPD), na magsagawa ng imbentaryo sa lahat ng ebidensiya at mahahalagang mga dokumento sa Crime Lab, na nasunog noong Huwebes, November 4.
Ayon kay Eleazar . . . “Mahalagang matiyak na walang mga importanteng ebidensiya, dokumento o records ang naapektuhan ng sunog.”
Sinabi ng hepe ng PNP, na ang Crime Lab sa alinmang police unit ay isang “evidence custodian,” at isang mahalagang bahagi ng law enforcement at criminal prosecution.
Aniya . . . “The integrity of the evidence must always be protected.”
Iniimbestigahan na ng Bureau of Fire Protection kung ang sunog, na nagsimula ng alas-9:45 ng umaga ay isang aksidente o sinadya.
Wala namang napaulat na nasaktan sa sunog, na idineklarang under control alas-10:15 ng umaga.