MPD nag-ikot sa mga matataong lugar sa Maynila
Inikot ng mga tauhan ng Manila Police District kasama ang kanilang SWAT team ang ilang matataong lugar sa Lungsod.
Ilan sa kanilang pinuntahan ay ang Divisoria, na kilalang laging dinadagsa ng mga mamimili at Carriedo sa may Quiapo lalo na at malapit na rin ang holiday season.
Ang hakbang ng MPD ay matapos maglabas ng babala ang gobyerno ng Japan sa kanilang mga mamamayan kasunod na rin umano’y posibleng terror attack sa 6 na bansa sa Southeast Asia kung saan sinasabing kabilang ang Pilipinas.
Sa pag-iikot naman ng mga tauhan ng MPD, normal ang sitwasyon sa mga matataong lugar sa Lungsod.
Bagamat wala pang na-monitor na posibleng banta, tiniyak ng MPD ang pagpapalakas pa ng police visibility.
Pinayuhan rin nila ang publiko na maging mapagmatyag sa lahat ng pagkakataon.
Madz Moratillo