MPD, nilinaw na sasagipin at hindi huhulihin ang mga kabataang lalabag sa ipinatutupad na curfew sa Maynila
Nilinaw ni Manila Police District Chief Gen. Vicente Danao na irerescue at hindi huhulihin ang mga kabataang may edad 18 pababa na makikitang hindi sumusunod sa ipinatutupad na curfew sa lunsod ng Maynila.
Ayon sa police official, sasagipin nila ang mga kabataan upang hindi sila mapariwara at madisgrasya.
Matapos masagip ay ipo-profile ng mga pulis ang mga nasagip na menor de edad ibig sabihin ay ililista ang mga pangalan ng mga ito upang makita kung sila ay mga frequent offenders at saka ipatatawag ang kanilang mga magulang at tatanungin kung bakit nasa labas pa ang kanilang mga anak sa dis-oras ng gabi.
Kaya sa mga magulang na hindi susunod sa mga ordinansa ay papatawan sila ng mga kaukulang multa.
Inatasan din ni Danao ang kaniyang mga tauhan na makipag-ugnayan sa mga Barangay officials upang katuwangin sa paggabay sa mga kabataan.
“Hindi naman puwedeng pulis lang ang magbabantay. We have to be a responsible parents. So hindi ito talaga parusa kundi let them feel senase of responsibility and equally liable yung ating mga parents”.