MPD,nagsagawa ng simulation exercise bilang paghahanda sa inagurasyon ni PBBM
Mahigit isang linggo bago ang inagurasyon ni President elect BongBong Marcos, nagsagawa ng simulation exercise ang Manila Police District para mapaghandaan ang mga posibleng scenario sa nasabing araw.
Bago sinimulan ang simex, isinara muna pansamantala ang Padre Burgos street sa harap ng National Museum.
Isa sa mga senaryong pinaghandaan ng MPD ay ang posibilidad ng pagsugod ng mga raleyista.
Kaya naman sa ginawang simulation exercise, may isang grupo ng mga kunwaring raleyista ang nagtanggkang makalapit sa national museum.
Pero sa kanto palang ng burgos street at finance road, naharang na sila ng mga anti riot police na naka full battle pa.
Nagkaroon rin ng kunwaring balyahan dahil nagpipilit ang mga raleyista na makalusot.
May isang pulis pa ang kunwaring nasaktan at kinuha ng ambulansya.
Nagkaroon rin ng bomb drill, kung saan isang paper bag ang iniwan sa harapan ng National Museum.
Agad namang kinordonan ng mga pulis ang lugar hanggang sa dumating ang bomb squad.
Para sa araw ng inagurasyon ni PBBM, mahigit 10 libong pulis ang ipapakalat upang masiguro ang kaligtasan ng lahat ng dadalo pangunahin ng manunumpang bagong Pangulo ng bansa.
Madelyn Villar – Moratillo