Muling pagbubukas ng mga sinehan sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ, ipinagpaliban
Hindi muna matutuloy ngayong araw ang muling pagbubukas ng mga sinehan o mga traditional cinemas sa Metro Manila kahit pa pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang re-opening nito sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Sa panayam ng programang “BaliTalakayan”, sinabi ni Metro Manila Council (MMC) Chairman at Parañaque city Mayor Edwin Olivarez, bagamat hindi sila tutol sa tuluyang pagbubukas ng ekonomiya dahil sa tumataas na antas ng mga walang hanapbuhay, hindi dapat masakripisyo ang mga health protocol.
Nakipag-ugnayan aniya si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos sa Economic team ng pamahalaan upang ipagpaliban muna ang pagbubukas ng mga sinehan ngayong araw na ito.
Magpupulong aniya sa Miyerkules ang MMC at IATF upang pagpasyahan ang bagay na ito.
Dahil dito, nabigyan na rin aniya ng abiso ang mga sinehan sa Metro Manila na hindi muna magbubukas ngayon dahil pinayagan sila ng IATF na ipagpaliban ang reopening.
Paliwanag ni Olivarez, pangunahing concern nila ay ang posibleng pagkalat ng Covid-19 virus sa loob ng mga sinehan na fully-airconditioned at saradong lugar.
Kung madaragdagan pa aniya ang mga tinatamaan ng Covid-19 ay hindi na kakayanin pa ng ating ekonomiya ang magpatupad ng panibagong lockdown.
Sa ngayon, makatutulong na sa pagbangon ng ekonomiya ang mga nakabukas na industriya gaya ng mga Dine-in restaurants at iba pang negosyo na pinayagan na ang operasyon.
Mayor Edwin Olivarez- MMC Chairman:
“Ang concern po ng mga Metro Manila mayors ay yung fully-airconditioned at enclosed na cinema. Kasi kapag enclosed ang ventilation ay may problema doon. Yun ang ating iniiwasan dahil hindi na natin kayang magkaroon ng lockdown kasi lalung maaapektuhan ang ating ekonomiya. So binabalanse natin yan at ang original na guidelines para sa mga lugar na nasa GCQ ang cinema ay talagang sarado pa”.