Muling pagkandidato ni Cong. Prospero Pichay Jr, ipinapakansela sa COMELEC
Hiniling sa COMELEC ng isang partylist representative na ibasura ang certificate of candidacy ni Surigao Del Sur 1st District Rep. Prospero Pichay Jr.
Ang petisyon ay inihain ni Construction Worker’s Solidarity (CWS) Partylist Rep. Romeo Momo dahil sa kawalan raw ng kuwalipikasyon ni Pichay.
Inakusahan ni Momo si Pichay ng material misrepresentation o pagsisinungaling sa kanyang COC matapos na ilagay na eligible pa ito sa pagkandidato.
Sinabi ni Momo na hindi na puwedeng humawak ng anumang posisyon sa gobyerno si Pichay dahil sa final at executory ang desisyon ng Office of the Ombudsman noong 2011 na guilty ito sa grave misconduct.
Aniya may parusa ang hatol na grave misconduct kay Pichay na dismissal from the government service at perpetual disqualification o habambuhay na diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang public office.
Dahil dito, iginiit ni Momo disqualify na si Pichay sa pagtakbo sa halalan sa 2022.
Binanggit din sa petisyon na kasama si Pichay sa listahan ng mga perpetually disqualified sa anumang posisyon sa pamahalaan.
Umaasa naman si Momo na kakatigan ng COMELEC ang kaniyang petisyon
Ito na ang ikatlong katulad na petisyon para kanselahin ang COC ni Pichay pero nabasura lang ang mga nasabing petisyon noong 2016 at 2019.
Ang kaso laban kay Pichay ay kaugnay sa mga anomalya sa Local Water Utilities Administration (LWUA) nang ito pa ang chairman noong 2009.
Moira Encina