Multa at parusa sa lalabag sa Anti Hospital Deposit Law tataasan ng Kongreso
Isinusulong ngayon sa mababang kapulungan ng Kongreso ang pag-amyenda sa Republic Act 10932 o Anti Hospital Deposit Law.
Inihain sa Kamara ang house bill 3046 na ini-akda nina Davao city Congressman Paolo Duterte, Benguet Congressman Eric Yap at Act CIS Partylist Representative Jeffrey Soriano na naglalayong dagdagdan ang multa at parusa sa mga medical personnel at hospital administrator na patuloy na nanghihingi ng deposito sa mga pasyente bago i-admit.
Batay sa panukalang batas nina Duterte,Yap at Soriano dadagdagan ang multa at parusa sa mga hospital administrator at personnel na lalabag sa batas kontra sa Hospital deposit.
Nais ng Kongreso na gawing limang milyong piso ang multa at may kaakibat na pagkakakulong ng labing dalawang taon sa mga hospital administrator na hindi susunod sa anti hospital deposit law mula sa dating isang milyong pisong multa at dalawang taong pagkakabilanggo.
Sa mga hospital personnel naman na lalabag sa anti hospital deposit law itataas sa isang milyong piso ang multa at anim na taong pagkakakulong mula sa dating dalawang taong pagkakabilanggo at multang tatlong daang libong piso.
Maaaring kanselahin ng batas ang license to operate ng mga hospital at professional license ng mga personnel na lalabag sa anti hospital deposit law.
Vic Somintac