Multa laban sa may-ari ng MT Princess Empress, halos kalahating milyong piso kada araw– DENR
Muling nagsagawa ng inter-agency meeting ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na kasama sa imbestigasyon at pagtugon sa oil spill sa Oriental Mindoro.
Pinangunahan ng DOJ ang pagpupulong na dinaluhan ng mga opisyal mula sa Deparment of National Defense, Department of Environment and Natural Resources, Philippine Coast Guard, Department of Transportation, at ang Maritime Industry Authority.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, layon ng pagpupulong na malaman ang tunay na pangyayari at malinawan sa ilang isyu sa paglubog ng MT Princess Empress.
Sinabi ni DENR Undersecretary Ignatius Rodriguez na sa inisyal nila na pagtaya ay aabot sa P471 million kada araw ang multa sa ship owners.
Ang singil ng multa ay mula sa pagsisimula ng pagkuha ng sample noong Marso 1 hanggang sa maresolba ang problema sa oil slick.
Ang nasabing multa ay hiwalay pa sa mga pananagutang sibil, administratibo, at kriminal na maaaring ipapataw sa mga may-ari ng motor tanker.
Batay naman sa pagsusuri ng DENR – Pollution Adjudication Board, walo sa 10 sample na sinuri mula sa mga apektadong lugar ay bumagsak o may presensya ng langis.
Sa ngayon ay tuluy-tuloy pa ang araw-araw na monitoring ng DENR sa hangin at tubig sa mga apektadong lugar.
Inihayag naman ng MARINA na bukod sa pagpapatigil sa operasyon, nag-isyu rin ito mg cease and desist order laban sa prangkisa ng RDC Reield Marine Services ang may-ari ng lumubog na MT Princess Empress.
Isusumite naman ng MARINA sa NBI ang mga dokumento na hawak nito na nagsasabing “newly constructed” ang MT Princess Empress at ang resulta ng sariling mbestigasyon ng MARINA.
Moira Encina