Multa sa mga dinisiplinang hukom, tinaasan ng Korte Suprema
Dinagdagan ng Korte Suprema ang multang ipapataw sa mga hukom na mapatutunayang guilty sa kinakaharap na reklamong administratibo.
Ito ay matapos pagtibayin ng Supreme Court ang mga amyenda sa mga multa sa ilalim ng Rule 140 ng Revised Rules of Court.
Para sa mga hukom na guilty sa seryosong reklamo, maaari itong patalsikin o kaya ay suspendihin at pagmultahin ng higit Php100,000 pero hindi lalagpas sa Php 200,000.
Ito ay mula sa dating multa na mahigit Php20,000 pero hindi hihigit sa Php40,000.
Para naman sa hukom na guilty sa “less serious charge,” maaari rin itomg suspendihin at pagmultahin nang hindi bababa sa Php35,000 pero hindi hihigit sa Php100,000.
Ito ay sa halip na multang lagpas sa Php10,000 pero hindi hihigit sa Php20,000.
Kung ang huwes naman ay guilty sa “light charge”, maaari itong patawan ng multa na hindi bababa sa Php1,000 pero hindi lalagpas sa Php35,000.
Gayundin, puwede rin itong patawan ng censure, reprimand, o admonition nang walang babala bukod sa multa.
Sa nakaraan ang fine sa judge na guilty sa light offense ay hindi bababa sa Php1,000 pero hindi hihigit sa Php10,000.
Moira Encina