Muntinlupa RTC Branch 205 judge, nag-inhibit sa drug case ni Sen. De Lima
Isa pang hukom ang bumitiw sa paghawak sa kaso ng iligal na droga laban kay Sen. Leila de Lima.
Sa kautusan na inilabas ni Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 205 Presiding Judge Liezel Aquiatan na may petsang June 14, sinabi na pinagbiyan nito ang motion for reconsideration ni De Lima na mag-inhibit ito sa kaso.
Una nang ibinasura ng hukom ang motion to inhibit ni De Lima noong Mayo kaya naghain ng apela ang kampo ng senadora.
Nagpasya si Acquiatan na boluntaryong nang bitiwan ang pagdinig sa kaso dahil maaaring seryosong makuwestyon ang kanyang integridad at pagiging makatarungan.
Aniya valid ground sa pag-inhibit ang patuloy na paggiit ni De Lima at kalaunan ng kapwa akusado nito na si Ronnie Dayan na bitiwan niya ang drug case.
Ito ay upang maalis na rin aniya ang anumang hinala ng partiality at maprotektahan ang interes ng hudikatura na kinabibilangan nito.
Sinabi pa ni Acquiatan na kung hindi nito pagbibigyan ang hirit ng akusado ay lilikha ito ng “hostile environment” sa panahon ng paglilitis na maaaring makaapekto sa kahihinatnan ng kaso.
Gayunman, iginiit ng judge na walang basehan at “totally unfair” ang mga insinuasyon ng akusadong si De Lima na privy o may nalalaman ng lihim ang prosekusyon sa mga gawi ng hukom.
Si Acquiatan ang huwes na nagbasura sa isa sa tatlong drug case laban kay De Lima dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Pero, hindi pinagbigyan ni Acquiatan ang hirit na piyansa at demurrer to evidence ni De Lima at iniutos nito ang pagpapatuloy sa pagdinig sa isa pang illegal drug case laban sa senadora.
Moira Encina