Muntinlupa RTC pinagbigyan ang hirit ni Senador De Lima na makabisita sa ina na may sakit sa Naga City
Pinagbigyan ng Muntinlupa Regional Trial Court ang hiling ni Senador Leila de Lima na makadalaw sa ina nito na may sakit sa Naga City.
Ito ay batay sa magkakahiwalay na kautusan ng Muntinlupa RTC Branch 205 at 256 na pumapabor sa very urgent motion for furlough na inihain ni De Lima.
Ayon sa mga kautusan ng mga hukuman, mayroon lamang na maximum 48 hours si De Lima para sa kanyang furlough.
Kasama na rito ang travel time ni De Lima mula ngayong August 14 hanggang bukas, August 15, at kailangang makabalik agad sa August 16 sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Kaugnay nito, inatasan ng mga korte ang PNP na bigyan ng security escorts at ihatid si De Lima sa NICC Doctors Hospital o kung saang ospital nakaconfine ang nanay niya na si Norma Magistrado De Lima o kaya ay sa bahay nila sa Iriga City.
Sinabi pa sa kautusan na hindi dapat lalagpas sa walong oras ang pananatili ni De Lima sa ospital.
Pinasasagot din ng mga korte kay De Lima ang lahat ng gastusin sa transportasyon at seguridad nito.
Pinagbawalan din ng mga hukom si De Lima na magpainterview sa media at gumamit ng mga communication gadgets sa buong panahon ng kanyang furlough.
Si De Lima ay nakakulong mula pa noong 2017 dahil sa mga kaso ng iligal na droga kaugnay sa illegal drug trade sa Bilibid.
Ulat ni Moira Encina